Sat, 31 Oct 2020

Pagsusuri sa kalidad ng edukasyon, pagsasanay ng mga guro, isinulong

Philippine Information Agency
30 Sep 2020, 16:38 GMT+10

LUNGSOD CALOOCAN, Set. 30 (PIA) -- Isinusulong ni Senator Win Gatchalian ang pagkakaroon ng isang pagdinig sa Senado upang masuri ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro sa bansa.

Inihain ng mambabatas ang Resolution No. 526 na layong matukoy ang mga posibleng hakbang upang i-angat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay na natatanggap ng mga guro. Sa kalaunan ani Gatchalian ay makatutulong ito upang mai-angat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Ayon sa senador, sinasalamin ng kalidad ng mga guro ang kaalaman ng mga mag-aaral. Matatandaang sa naging resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment o PISA, ang Pilipinas ang may pinakamababang marka sa pitumpu't siyam (79) na mga bansang lumahok sa naturang pag-aaral pagdating sa Reading Comprehension o pagbasa. Pangalawang pinakamababa pa rin ang Pilipinas pagdating sa Science at Mathematics.

"Ang husay at kaalaman ng ating mga mag-aaral ay nakasalalay sa kahusayan at kahandaan ng ating mga guro. Upang mai-angat natin ang kalidad ng edukasyon sa bansa, kailangang masuri natin ang edukasyon at pagsasanay na natatanggap ng ating mga guro upang masiguro nating handa silang tugunan ang pangangailangan ng ating mga mag-aaral," ani Gatchalian na siyang Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Binalikan din ng senador na sa ulat ng Congressional Commission on Education (EDCOM), ang kakulangan sa performance ng mga guro ay dahil sa kalidad ng pagsasanay o training na kanilang natatanggap. Ayon pa sa ulat, kulang din ang mga natatanggap na mga oportunidad ng mga guro pagdating sa professional development.

Binigyang diin ni Gatchalian na sa kabila ng pagkakatatag ng Teacher Education Council (TEC) at National Educators Academy of the Philippines (NEAP) ilang taon na ang nakakaraan, ngayon lamang nagkaroon ng pagsasanay para sa distance learning dahil sa COVID-19. Kung tutuusin, maituturing na 21st Century Skill ang kahandaan para sa distance learning na dapat ay taglay na ng mga guro.

Mandato ng TEC na magdisenyo ng mga programa para sa iba't ibang antas ng training para sa mga guro mula sa kanilang pag-aaral hanggang sa kanilang pagtuturo. Ang NEAP naman ay itinuturing na professional development arm ng Department of Education o DepEd.

Sa ngayon, hindi pa lahat ng guro ay nakapagsanay na para sa distance learning sa darating na pasukan o higit anim na daang libo (620,794) sa walong daang libong (800,000) mga guro.

Kung susuriin ang mga resulta ng Licensure Examination for Teachers (LET) nitong mga nakaraang taon, nakakabahala na ang kalidad ng teacher training bago pa tumama ang pandemya, pahayag ni Gatchalian. Mula 2014 hanggang 2019, ang average passing rate sa licensure exams ng mga guro sa elementarya ay dalawampu't walong (28) porsyento lamang. Sa high school naman, ang average passing rate ay tatlumpu't anim (36) na porsyento lamang.

Lumalabas din sa isang pag-aaral ng World Bank na kulang ang kahandaan ng mga guro sa elementarya at high school upang ituro ang malaking bahagi ng K to 12 curriculum.

Maliban sa mga English elementary teachers, ang mga pangkaraniwang guro sa elementary at high school ay hindi nasasagot nang tama ang kalahati ng mga tanong sa mga subject content tests. (PIA NCR)

More Beijing News

Access More

Sign up for Beijing News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!